(NI DONDON DINOY)
DAVAO CITY–Umabot na sa 21 ang bilang ng mga namatay sa may 4,345 na kaso ng dengue sa Davao Region base sa huling talaan ng Department of Health (DoH) na ipinalabas noong Agosto 5.
Sa isinagawang press conference nitong Huwebes, sinabi ni Health Assistant Secretary Abdullah B. Dumama na sa Davao City pa lamang, ay nasa 11 na ang namatay at sinundan ito ng anim sa Davao del Norte, at tag-iisa ang namatay sa mga probinsya ng Compostela Valley, Davao del Sur, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Sa nakaraang taon, nakapagtala ang DoH ng 14 na namatay sa dengue kaya’t nabahala sila sa posibleng pagtaas ng bilang nitong taon kung kaya’t inanyayahan ang publiko na maglinis ng kapaligiran.
Ayon kay Dumama, ang mga biktima ng dengue ay mga hindi umano naturukan ng dengvaxia na posibleng ikinalala ng kanilang kondisyon.
Napag-alaman din na ang lungsod ng Davao ang may pinakamaraming bilang nga pasyente sa dengue na aabot na sa 2,168.
Sinundan naman ito ng probinsya ng Compostela Valley sa 788 at pangatlo ang Davao Oriental na may 641 at Davao del Norte na may 562, Davao del Sur na may 151, at ang Davao Occidental na nasa 35 na pasyente.
Dagdag ni Dumama na kahit idineklara ng DoH noong Martes ang national dengue epidemic ay may mga kaso pa rin sa patuloy na pagtaas.
Sa kabila nito, nanatiling nasa “alert threshold” ang Davao Region ngunit may malaking posibilidad umano na aabot ito sa “epidemic threshold” kung hindi maagapan.
“Actually its national declaration so even if a region is not highly affected or not badly affected, pwede na kasi national na. Yong mga LGUs can access the calamity fund,” aniya.
Sinabi ni Dumama na inaasahan na ng DOH-Epidemiology Bureau na tataas pa ang bilang pagsapit sa buwan ng Oktubre, kung kaya’t inanyayahan nila ang publiko na sumali sa kampanya ng pagpuksa ng mga lugar na ini-itlogan ng mga lamok at seryosohin ang pagsasagawa ng 4 o’clock habit sa kanilang mga bahay lalo pa at panahon ng tag-ulan.
“We are still expecting more at ang Davao Region hindi pwedeng maging complacent kasi maaring nasa below alert threshold pero in October kung hindi sugpuin ito magha-hatch na naman ang mga eggs after four months maging adult na in how many days and pwede na silang mangagat,” dagdag ni Dumama.
Ayon sa DoH, posibleng tama ang sinasabi ng ilang eksperto na ang climate change ay nakatulong sa pagbibigay ng magandang lugar na pamahayan ng lamok upang lalo itong dumami.
Napag-alaman na mas mabilis ng dumami ang mga lamok na may dalang dengue kumbaga noon na aabot pa sa 10 hanggang 14 araw ngunit ngayon ay nasa apat na araw na lamang dahil sa napakainit na temperatura na siyang sanhi sa pagdami ng insekto.
180