3 PAGSABOG SA MEDICAL MISSION NG PHIL ARMY

pa16

(NI JESSE KABEL)

NIYANIG ng tatlong pagsabog ang medical mission na inilunsad Sabado ng umaga ng  11th Infantry Division ng Philippine Army sa Tanum Elementary School sa Patikul , Sulu.

Bagama’t walang nasaktan ay nagkagulo naman at binalot ng sindak ang mga residente sa malapit sa pinagdarausan ng medical mission.

Bunsod ng tatlong sunud-sunod na pagsabog ay nagtakbuhan ang mga nahintakutang residente  bago magtanghali habang ginaganap ang  medical mission, pahayag pa ng  Western Mindanao Command (Wesmincom).

Ayon kay Wesmincom spokesperson Col. Gerry Besana tatlong 60 mm mortar rounds ang sumabog may 200 meters mula sa  Tanum Elementary School kung saan ginagawa ang medical mission ng 6th Special Forces Battalion.

Hinihinalang mga Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagpapasabog upang huwag magpunta ang mga tao sa ipinagkakaloob na government medical services.

“We strongly condemn this terroristic act resulting [in] the disruption of basic services delivery to the people,” ani Westmincom chief Lt. Gen. Arnel Dela Vega.

Naganap ang karahasan ilang araw matapos ang madugong sagupaan sa nasabi ring bayan na ikinamatay ng limang sundalo at tatalong ASG.

 

383

Related posts

Leave a Comment