CAVITE – Patay ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilag ang top 1 most wanted person na dati nang nakulong, makaraang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Cavite Police sa ikinasang buy-bust operation sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga napatay na sina Ariel Vanta; 46; Rolando Dicog, at Reynier San Agustin, kapwa nasa hustong gulang.
Sa ulat ni P/Corporal Jumar Bedural ng Cavite City Police Station, dakong alas-8:05 kamakalawa ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa loob ng public cemetary sa Barangay 48A ng naturang lungsod laban kay Vanta.
Ngunit nakatunog ang suspek kaya pinaputukan ang mga pulis na nagresulta sa palitan ng putok na ikinamatay ni Vanta.
Sa ulat naman ni P/SSgt. Ellezer Tagalog ng Rosario, Cavite Police Station, dakong alas-10:30 nitong Lunes ng gabi nang nakipagtransaksiyon ang suspek na si Dicog kay Corporal Lynard Pareja, na nagsilbing poseur buyer, sa Brgy. Muzon I, Rosaro, Cavite.
Ngunit pumalag umano ang suspek at nakipagbarilan sa mga pulis na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Napag-alaman, si Dicog ay itinuring na top 1 municipal level most wanted person sa Juban, Sorsogon at may 5 counts na kasong incest pape sa Fifth Judicial Region Branch 51 ng Sorsogon City.
Inihayag naman ni P/SSgt. Mark Joseph Jader ng Imus City Police Station, nakipagpalitan ng putok si San Agustin sa buy-bust operation sa NIA road, Malagasang 1-G, Imus City, Cavite na nagresulta sa pagkamatay ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
151