52 NEW COVID CASES SA DAVAO REGION

DAVAO City – Dalawang araw bago magpalit ng quarantine restrictions, naitala sa Davao region ang pinakamataas na pagtalon ng bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections.

Noong Biyernes, inanunsyo ng Department of Health (DOH), umabot sa 52 ang bagong aktibong kaso ng COVID-19, at aabot na sa 329 ang kabuuan nito.

Sa bilang na 52, ang 30 nito ay naitala rito sa lungsod, kung saan aabot naman sa 283 ang nadapuan ng impeksyon.

Ang panibagong pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay parang salamin din sa naitalang bilang noong Marso.

Sa kasalukuyan, napabilang na ang Davao City sa top ten na lokalidad sa mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa at may pinakamataas na bilang sa labas ng National Capital Region.

Sa 52 bagong kaso sa rehiyon, 12 dito ay mula sa Davao Oriental, siyam sa Davao del Sur at isa sa Davao del Norte.

Hindi pa nagpapalabas ng pahayag ang mga lokal na opisyal ng pangkalusugan hinggil sa dahilan ng huling pagtaas ng COVID-19 cases.

Samantala, nakarekober naman ang pangalawang pasyente na nadapuan ng virus sa kalapit na lungsod ng Digos City.

Iniulat ni Bise Mayor Johari Baña, ang 20-anyos na pasyente na nasa “isolation” sa Davao del Sur Provincial Hospital, ay wala nang nakitang sintomas ng impeksyon matapos sumailalim sa pagsusuri gamit ang reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) sa pangalawang swab sample.

Nagpositibo sa virus ang nasabing pasyente noong Mayo 26 ngunit naging negatibo na ito bagama’t kailangan pa rin itong dumaan sa pangatlong pagsusuri. (DONDON DINOY)

56

Related posts

Leave a Comment