NANATILING naka-blue alert ang puwersa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahit tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Ferdie na nag-iwan ng anim kataong patay.
Ayon sa NDRRMC, binabantayan nila ngayon ang dalawang low pressure areas na posibleng magpalakas sa umiiral na southwest monsoon at magdala ng malalakas na mga pag-ulan at pinsala sa apektadong mga lugar.
Kinumpirma kahapon ng PAGASA state weather bureau, na may dalawang weather system ang kanilang binabantayan at naging ganap nang tropical depression.
Paglilinaw ng PAGASA, ang namataang low pressure area (LPA) sa loob ng area of responsibility ng Pilipinas, ay naging ganap nang isang bagyo kahapon ng umaga na may local name na Typhoon Gener, ang ikapitong tropical cyclone na tatama sa Pilipinas.
Bukod kay Gener, tinututukan din ng PAGASA ang Tropical Storm Pulasan, na nasa labas pa ng Pilipinas subalit naging isa nang sama ng panahon habang nasa area ng US territory ng Guam.
Posible umanong pumasok din ito sa AOR ng Pilipinas, Martes ng gabi at agad ding lalabas kinabukasan ng Miyerkoles at sakaling maging isang ganap na bagyo at tatawagin itong Helen, sakaling sumabay siya kay Gener sa loob ng PAR.
Kaugnay naman ng blue alert status, sinabi ng NDRRMC na pinagana na nila ang kanilang Bravo Emergency Preparedness and Response Protocol para sa mas maigting na pagtugon sa kalamidad.
Matatandaang nag-iwan ng anim kataong nasawi ang Tropical Cyclone Ferdie (international name: Bebinca) at lumakas na Southwest Monsoon (Habagat).
Base sa pinakabagong situational report ng NDRRMC, apat ang napaulat na patay, nananatiling “subject to validation,” mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang dalawa naman na napaulat ay mula sa Region 9 o Zamboanga Peninsula.
Samantala, may dalawa katao ang sinasabing nawawala, bawat isa ay iniulat mula sa Zamboanga Peninsula at Western Visayas. Bukod dito ay mayroon namang 11 kaso ng nasugatan mula sa BARMM at Soccsksargen.
May kabuuang 203,197 katao o 47,166 pamilya sa 292 barangay ang apektado sa kamakailan lamang na masamang panahon.
Sa naturang bilang, 13,825 ang nananatili sa loob ng evacuation centers, habang 22,801 naman ang mas ninais na manatili sa temporary shelters.
Dahil sa bagyong Ferdie at Habagat, nagresulta ito sa P200,000 halaga ng pinsala sa imprastraktura sa ilang mga lugar.
Sinabi ng NDRRMC na may kabuuang P3,976,377 halaga ng tulong ang ibinigay sa mga apektadong residente sa Bicol Region at Western Visayas.
Ang bagyong Ferdie ay lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) noong Sabado ng hapon subalit dahil sa buntot nito at Southwest Monsoon kaya’t nananatiling umuulan sa ilang bahagi sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ)
47