7 ARMAS ISINUKO SA COTABATO

PITONG iba’t ibang uri ng armas at mga bala nito kasama na ang dalawang pampasabog, ang boluntaryong isinuko sa Barangay Dugong, M’lang, Cotabato Province.

Ayun kay Lt. Col. Rowel Gavilanes, Battalion Commander ng 90th Infantry Battalion, ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay naging posible sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga operatiba ng Mobile Community Support Sustainment Program (MCSSP) ng 90IB at M’lang Municipal Police Station.

Kasama ring nakipagtulungan ang mga residente at barangay council upang malansag ang paglaganap ng loose firearms sa bayan.

Kabilang sa isinuko ang isang M14 Rifle, dalawang RPG Launchers, dalawang Garand Springfield Rifle, isang Sniper Rifle, isang M79 grenade launcher, mga bala at pampasabog.

Iprinesenta ang mga kagamitang pandigma kina Brig. Gen. Donald Gumiran, 602nd Infantry Brigade Commander at M’lang Municipal Mayor Russel Abonado sa isang programang isinagawa sa Barangay Covered Court.

Ikinagalak naman ni Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Division Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang suporta ng komunidad at pamahalaang lokal ng M’lang para mapagtibay ang kampanyang pangkapayapaan.

“Ito ay nagpapakita ng maayos na ugnayan ng peace advocates, security sector, local officials at komunidad sa bayan ng M’lang. Makakaasa kayo na patuloy ang JTF Central na nakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya at mamamayan para mahinto ang mga armadong banta at paglaganap ng mga loose firearms,” pahayag ni Maj. Gen. Nafarrete. (JESSE KABEL RUIZ)

49

Related posts

Leave a Comment