7 PATAY SA BAGYONG CARINA

NAKAPAGTALA na ng pito kataong namatay sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Carina kahapon kabilang ang apat kataong nalibing nang buhay sa naganap na landslide sa Agoncillo sa lalawigan ng Batangas

Sa inisyal na ulat na ipinarating sa Office of Civil Defense, kasalukuyang nagsasagawa ng validation hinggil sa naging mga biktima ng bagyo, kabilang ang mga namatay nang matabunan sa landslide na naganap sa Barangay Subic Ilaya sa bayan ng Agoncillo bunsod ng Bagyong Carina na pinatindi pa ng umiiral na Southwest monsoon o habagat.

Base sa anunsyo ng lokal na gobyerno, nangyari ang landslide sa Sitio Manalao, Subic Ilaya kung saan narekober ang mga bangkay kahapon ng umaga, na sinasabing mga miyembro ng pamilya Rimas.

Kasama sa nasawi ang anim na buwang buntis na edad 28, at tatlong menor de edad na 9, 13, at 15 anyos.

Habang isang lalaki naman ang sinasabing tinangay ng rumaragasang tubig-baha sa Montalban Heights San Jose sa Rodriguez, Rizal.

Batay sa live video galing sa isang netizen, bigla na lamang itong inanod habang suot ang kanyang kapote at maging ang kanyang helmet.

Isang lalaki rin ang iniulat na nasawi matapos malunod umano sa creek ng Barangay Valencia sa Quezon City nitong Miyerkoles ng umaga na kinilalang si Lando Tenedora.

Habang isang lalaki naman ang namatay matapos makuryente sa kasagsagan ng buhos ng ulan sa Almeda Street sa Tayuman, Sta. Cruz.

Samantala, nilinaw ng NDRRMC at Office of Civil Defense na ang unang iniulat na walong nasawi ay sanhi ng Habagat at ng nagdaang bagyong Butchoy at hindi dahil sa TY Carina. (JESSE KABEL RUIZ)

166

Related posts

Leave a Comment