8 WANTED, GINANG NA DRUG SUSPECT TIMBOG SA PNP-PRO5

WALONG wanted persons na may kinahaharap na iba’t ibang kaso, ang naaresto ng mga kawani ng PNP Bicol sa isinagawang manhunt operation nitong nagdaang araw

Sa probinsya ng Camarines Sur, ang mga nahuli ay sina Alfredo Pilapil y Cortezano, 56, may kasong paglabag sa Special Protection of Children against Child Abuse-Exploitation and Discrimination Act (Anti-Child Abuse Law) na may piyansang P80,000; Edwin Borac y Mangubat, 50, nahaharap sa kasong robbery na may piyansang P100,000, at Victor Del Socorro Jr. y Boto, 25, may nakabinbin namang kasong frustrated murder na may piyansang P200,000.

Dalawa naman ang nadakip sa isla ng Masbate. Ito ay kinilalang sina Michael Martinez y Maglente, 39, may kasong paglabag sa PD 1602 na walang nakalaang piyansa; at Rey Danao y Albuero, 25, may kasong frustrated murder at may piyansang P72,000.

Sa Catanduanes, sa kulungan ang bagsak ng wanted sa kasong dalawang bilang ng rape na si Rogelio Fernandez y Gianan, 53-anyos. Ang korte ay walang inirekomendang piyansa para sa suspek.

Sa probinsya ng Sorsogon, nakorner din ng pulisya ang 20-anyos na lalaking si Jay-ar Futol y Furo dahil sa krimeng panggagahasa.

Ipinaalam sa mga nadakip ang kanilang mga karapatan batay sa Konstitusyon ng Pilipinas. Ang mga ito ay nasa kustodiya na ng himpilan ng PNP para sa naaayong disposisyon.

Pinuri ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PNP-PRO5 ang pagsisikap ng mga bumubuo ng PNP Bicol upang mabigyan ng kasagutan ang hustisyang matagal nang sigaw ng mga biktima. Ito rin ay patunay sa determinasyon at tapat na pagtupad ng PNP Bicol sa sinumpaan nitong tungkulin para sa bayan.

Samantala, arestado rin ang isang ginang sa ikinasang buy-bust operation ng Paracale MPS, Camarines Norte Police Provincial Office.

Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, bandang alas-10:00 ng umaga nang masakote ang suspek ikinasang anti-narcotics operation sa Purok 1, Barangay Malacbang, Paracale, Camarines Norte.

Kinilala ang target ng buy-bust operation na si Joanna Rose Laureta y Felipe, 27-anyos at residente ng nasabing lugar.

Nakumpiska mula sa supek ang isang pakete ng plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu, bilang buy-bust item, at karagdagang limang pakete ng nasabing ilegal na droga.

Kasalukuyang nang nasa kustodiya ng Paracale MPS ang suspek upang harapin ang kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165.

Ang pagkakahuli sa suspek ay dagdag sa listahan ng tagumpay na nakakamit ng PNP Bicol laban sa droga. Isa rin itong indikasyon sa walang tigil na operasyon upang mapigilan ang pagkalat ng droga at tuluyan nang linisin ang komunidad sa masamang impluwensya nito. (JESSE KABEL)

110

Related posts

Leave a Comment