(NI JESSE KABEL)
DAHIL walang makukuhang ransom, pinawalan ng mga hinihinalang bandidong Abu Sayyaf ang siyam na mangingisdang Badjao na kanilang dinukot sa karagatang sakop ng Sabah, Malaysia noong Hunyo 18.
Ito ang ulat na nakalap ng military at kapulisan nitong Sabado, kaugnay sa pagpapalaya sa mga katutubong Badjao nitong Biyernes ng gabi sa isang lugar sa Talipao, Sulu .
Sa impormasyong ibinahagi sa media ni Talipao police chief P/ Maj. Napoleon Lango, natiyempuhan ng kanyang mga tauhan ang siyam na kalalakihan sa Baragay Kahawa Village kung saan hinihinalang inabandona ng ASG ang mga bihag na mangingisda.
Nabatid na nilapitan ng grupo ang mga pulis at sinalaysay na sila ay mga mangingisda na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa karagatang sakop ng Lahad Datu at puwersahang isinakay sa dalawang motorized pump boat.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, na pinawalan sila ng mga bumihag dahil wala silang pera na pambayad ng hinihinging ransom.
Agad ding isinailalim ang mga biktima sa medical examination at dagdag na pagsisiyasat sa Sulu Provincial Police Office.
Magugunitang matapos pumutok ang balitang pagdukot sa siyam na mangingisda sa bahagi ng Malaysia ay inalarma na ni AFP chief of Staff Gen Benjamin Madrigal Jr ang puwersa military, partikular sa Tawi Tawi sa posibilidad na ipasa ng mga kidnappers sa mga bandidong ASG ang kanilang bihag para sila ang magpatubos.
Bagamant hindi pa batid kung mga Filipino o Malaysian ang mga sinasabing binihag kaya patuloy na bineberipika ng military ang kanilang nationalities.
190