ARMY LIEUTENANT PATAY, 9 SUGATAN SA ABU SAYYAF

SULU – Pinaigting ng mga tauhan ng AFP-Joint Task Force Sulu ang inilunsad na opensiba laban sa nalalabing mga miyembro ng teroristang grupo kasunod ng huling sagupaan na ikinamatay ng isang army lieutenant at malubhang ikinasugat ng siyam pang mga tauhan ng Army 32nd Infantry Battalion sa Sitio Tubig Bukayon, Barangay Pansul sa bayan ng Patikul sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat, naging matindi ang sagupaan ng mga tauhan ng Philippine Army 32nd Infantry Battalion, sa pangunguna ni Lt. Col. Ralph De Mesa, at ng 40 miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group.

“Our troops are still pursuing the withdrawing enemies who left several blood stains on their tracks,” pahayag ni Maj. Gen. Corleto Vinluan, JTF commander.
Ayon kay Wesmincom commander, Lt. Gen. Cirilito Sobejana, isang magiting na military officer ang nagbuwis ng buhay habang aktibong sumusuporta ang militar sa LGU para maiwasan ang paglaganap ng nakamamatay na virus ng COVID-19 sa probinsiya ng Sulu.

Namatay sa nasabing sagupaan si 1Lt. Ryan Lou Retener habang ang sugatang mga sundalo ay kinilalang sina Sergeant Lito Nuevo Jr., Privates First Class Harold Kim Sagante, J-R Sebastian at Danar Berganio; Pvts. Jan Maligaya, Zyrus Wayas, Arthur de Leon, Raffy Santillan, at Jerric Nantes.

Magugunitang, noong unang linggo ng Hunyo, may apat na sundalo mula sa 6th Special Force Battalion ang napatay habang 17 ang sugatan makaraan ang 40 minutong sagupaan sa Barangay Kan-ague sa Patikul na ikinamatay rin ng dalawang ASG.

“It is with deep sadness to report that one valiant military officer paid the ultimate sacrifice and nine personnel were wounded while fearlessly fighting the enemies and protecting the people of Sulu,” pahayag ni Lt. Gen. Sobejana. (JESSE KABEL)

91

Related posts

Leave a Comment