QUEZON – Nalunod ang isang babaeng kubrador ng Small Town Lottery (STL) dahil sa paghahanap ng cellphone signal sa baybaying dagat ng bayan ng Perez sa lalawigang ito, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Madelyn Panisil Maalao, 52, residente ng Barangay Mainit.
Ayon sa mga imbestigador, nakita na lamang ng dalawang mangingisda ang katawan ng biktima na nakalutang sa hindi kalayuang lugar sa dalampasigan.
Isinugod sa ospital sa bayan ng Alabat ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Masusing sinisiyasat ng mga awtoridad ang insidente bagama’t hinihinalang nalunod matapos na mapunta sa malalim na bahagi ng dagat.
Ayon sa mga residente ng lugar, nagtungo roon ang biktima upang tumawag sa mga kaanak dahil doon lamang aniya may cellphone signal sa kanilang barangay. (NILOU DEL CARMEN)
125