BEAUTY QUEENS NAMAHAGI NG AYUDA SA BULACAN

NAGSAGAWA ang ilang beauty queens ng medical mission at turnover ng relief goods para sa mga residente ng Barangay San Juan, Barangay Sto. Rosario, at Barangay Sto. Niño sa Lungsod ng Malolos, na nasalanta ng Bagyong Carina at Hanging Habagat noong Biyernes.

Isinagawa ang nasabing medical mission at turnover ng relief goods kasabay ng inagurasyon o pagbubukas ng Reseta Pharmacy sa pangunguna ng tinaguriang beauty queens ng bansa sa pakikipagtulungan ng FPJ Panday Bayanihan Foundation.

Kabilang sa mga nagtaguyod o co-founders ng Reseta ay sina Krischelle Halili, 2014 Miss Manila na ngayon ay isa nang doktora; Angelia Ong, Miss Earth 2015; at Justine Felizarta na wagi bilang Century Superbods 2024. Kasama rin sa sumuporta at dumalo si Kristella Avello, 2023 Century Superbods, at Columbian Miss Earth 2016 na si Mischelle Gomez.

Dumalo rin si Brian Poe Llamanzares, chairman ng FPJ Panday Bayanihan na isa sa mga sponsor ng relief assistance para sa 200 typhoon-affected residents sa Malolos.

Nasa 200 Malolos residents ang nakinabang naman sa medical mission na ginanap sa umaga bago ang motorcade at pagkaraan ay isinagawa ang inagurasyon ng Reseta Pharmacy.

Ayon kay Ong, ang Reseta Pharmacy ay first business na itinatag at suportado ng beauty queens na naghatid ng tulong sa ibang tao sa pamamagitan ng relief distribution at medical mission kahit hindi pa sila isang organisasyon. (ELOISA SILVERIO)

75

Related posts

Leave a Comment