COTABATO – Target ng manhunt operation ng Cotabato PNP ang ilang armadong kalalakihan na responsable sa paglikida sa isang kasapi ng Barangay Peacekeeping and Action Team ng Barangay Colambog, sa bayan ng Pikit sa nasabing lalawigan.
Bukod sa biktimang napatay, malubha ring nasugatan ang dalawang anak nitong menor de edad makaraang pagbabarilin ng mga suspek habang sakay ng kanilang payong-payong motorcycle, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala naman ng Aleosan Municipal Police Station ang biktimang napatay na si Amilil Sasamin Lumenda, 25-anyos, residente at volunteer BPAT ng Barangay Colambog sa Pikit, Cotabato.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-2:00 ng hapon noong Huwebes, hinarang ang mga biktima pagsapit sa Sitio Upper, Barangay Tapodoc, Tugunan, Special Geographic Area (SGA) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Naglabas ng sandata ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima sa harap ng kanyang mga anak na may edad na sampu at dose anyos lamang, na kapwa nahagip din ng mga bala.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa likod ng pamamaslang at ang pagkakakilanlan ng suspek. (JESSE KABEL RUIZ)
42