LUNGSOD NG MALOLOS – Nagpaabot ng P2 milyong tulong pinansyal ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Kristine’ sa Bicol at Batangas.
Sa virtual meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Council na ipinatawag ni Gobernador Daniel Fernando, ipinasa ang tatlong resolusyon para sa nasabing halaga ng tulong na kukunin mula sa 2024 Local Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Sa rehiyon ng Bicol, kabilang sa tinukoy na bibigyan ng tulong pinansyal ang pamahalaang panlalawigan ng Albay at ang pamahalaang lungsod ng Naga.
Ayon kay Bulacan PDRRMO Head Manuel Lukban, may halagang P1 milyon ang ipagkakaloob sa pamahalaang panlalawigan ng Albay.
Ito’y upang maitulong sa mga pamilyang pinakanasalanta ng bagyong ‘Kristine’ lalo na sa mga taga bayan ng Libon, Polangui, Oas, Guinobatan, Jovellar, Pioduran at Tiwi.
Samantala, halagang P.5-milyon naman ang matatanggap ng pamahalaang lungsod ng Naga.
Nakaranas ng napakalaking pagbaha at matagal na paghupa ang nasabing lungsod matapos humagupit ang bagyong ‘Kristine’.
Habang ang pamahalaang bayan ng Talisay naman sa Batangas ay pagkakalooban ng halagang P.5-milyon.
Dumanas ang lugar na ito ng malawakang pagbaha na sinabayan ng malawakang landslide na ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng bayan. (ELOISA SILVERIO)
71