BULAKENYO NAGKAISA PARA SA TAPAT NA PAMAMAHALA

MAINIT ang pagsalubong ng libu-libong Bulakenyo na sumusuporta sa Ang Laban Ng Indiginong Filipino (ALIF) Party-List gayundin sa vice-gubernatorial candidate na si Salvador “Bogs” Violago sa proclamation rally na ginanap sa Malolos City hall ground nitong Sabado.

Sa nasabing proclamation rally ay nagsanib puwersa ang ALIF-Party-list at si Violago kung saan ay mahigit sa 6,000 mga taga suportang Bulakenyo ang dumalo at nakiisa para sa isinusulong nitong tapat na pamamahala kung maluklok sa darating na May 9, 2022 national and local elections.

Ang mga nakiisa sa ALIF Party-list sa pangunguna ni first nominee Rogelio Villangca at ni Violago ay pawang mga lider at supporters mula sa pribado at pampublikong sektor buhat sa 21 bayan at 3 lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

Kasabay ng proklamasyon ang pledge of commitment ng kanilang pagsuporta at pagtitiwala sa tambalang ALIF – Bogs kaugnay ng magagandang platapormang inihahain ng mga ito bilang mga serbisyo publiko.

Ayon kay ALIF first nominee Villangca, ang pagsasanib nila ng grupo ni Violago ay tinatayang makabubuo ng mas malapad na makinarya at malakas na kampanya para itaguyod ang mga epektibong batayan ng pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

“Magkatuwang kaming kikilos at isusulong ang common development agenda, upang makamit ang makabuluhang pagbabago para sa ordinaryong mamamayan sa lalawigan ng Bulacan, gayundin upang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya,” wika ni Villangca.

Ipinangako naman ni Violago na kanyang susuriin ang pondo ng lalawigan upang tiyaking maayos ang paggamit nito, lalo’t higit sa usapin ng ayuda at tulong medikal.
“Bibili ako ng 24 mobile clinic para ilaan ito sa mga munisipyo at siyudad ng Bulacan at kapag may sakuna ay lagi nating ihahanda ang kaukulang pondo para sa disaster preparedness and mitigation,” ani Violago.

Nasasaad sa Seksyon 21 ng RA 10121 na dapat ilaan ng pamahalaang lokal ang may limang porsyento (5%) ng kanyang regular revenue para sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund upang tustusan ang mga aktibidad sa pamamahala sa panganib, sa kalamidad tulad ng pre-disaster preparedness programs kabilang na ang pagsasanay at pagbili ng mga kagamitan sa pagsagip at pagliligtas ng buhay. (ELOISA SILVERIO)

113

Related posts

Leave a Comment