CLEARING OPERATIONS SA RIZAL, PATULOY

PATULOY sa pagtulong sa clearing operation sa mga bayan sa Rizal na lumubog at nasalanta ng Bagyong Ulysses ang pamunuan ng Rizal 2nd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nabatid na nalinis na ang mga national road at maginhawa nang nakabibiyahe ang anomang uri ng sasakyan partikular sa bayan ng San Mateo at Rodriguez, Rizal patungong NCR.

Aminado ang tanggapan ni DPWH Rizal 2nd DEO District Engineer Juliana Vergara na matinding hirap ang kanilang dinanas simula sa Day 1 ng clearing operation nang manalasa ang Bagyong Ulysses.

Sa panayam, sinabi ni D.E Vergara na hanggang ngayon ay katuwang pa rin ng mga LGU ang kanilang mga tauhan sa paglilinis sa mga kalsada partikular ang barangay roads na napakahirap linisin dahil sa may kasikipan.

Binanggit ni D.E Vergara na ang binuo niyang team sa pangunguna nina Construction Section chief Engr. Chito Paz at Road Maintenance Section chief, Engr. Catherine Tamayo ang sila ngayong nangangalaga sa patuloy na paglilinis sa bayan ng Montalban at San Mateo.

“Sa lawak ng pinsala na iniwan ni Super typhoon Ulysses dito sa Rizal, ang halos buwis buhay na clearing operation na ginawa ng mga tauhan namin ay sa mga barangay ng Wawa, Kasiglahan, Dela Costa, Burgos na pawang sakop ng Montalban at ilang barangay sa San Mateo,” ani D.E. Vergara.

Siniguro naman ng opisyal na hindi titigil sa pag-alalay sa mga LGU ang Rizal 2nd DEO hangga’t tuluyang maibalik ang dating kaluwagan ng paglabas at pagpasok ng mga bumibiyahe sa kani-kanilang lugar.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Vergara ang mga boluntaryong nagpahiram ng karagdagang heavy equipment, mga truck at iba pang gamit sa agarang clearing operation partikular ang Sta. Cruz, Laguna DPWH DEO at Montalban Aggregates Producers Association MAPA. (CESAR BARQUILLA)

59

Related posts

Leave a Comment