CEBU – Patay ang isang 17-anyos na dalagita sa nangyaring landslide sa bisinidad ng Caduloy Riverside, Barangay Tisa, Cebu City nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Emimah Ibuña, residente ng lugar.
Namatay ang biktima matapos na ma-trap at matabunan ng gumuhong mataas na riprap at mga lupa mula sa kabilang ibayo ng ng ilog.
Agad nagsagawa ng retrieval operation ang disaster responders, kabilang ang special rescue unit ng Bureau of Fire Protection, para makuha ang bangkay.
Bukod sa namatay, tatlong iba pang mga biktima ang nasugatan at nawasak din ang ilang kabahayan.
Siyam naman ang nakaligtas matapos na makatakbo at hindi abutin ng pagguho.
Ayon sa Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cebu City, siyam na pamilya ang naapektuhan ng insidente.
Agad ding kinordon ng CDRRMO ang lugar at pinalikas muna ang iba pang mga residente dahil sa banta pa rin ng pagguho.
Plano ng barangay na magdeklara ng state of calamity sa lugar.
Nitong Linggo ng madaling araw, nakaranas ang bahagi ng Cebu ng malalakas na pag-ulan dulot ng low pressure area na naging Tropical Depression Enteng. (NILOU DEL CARMEN)
56