DASMARINAS, CAVITE APEKTADO NA RIN NG ASF

(NI ROSS CORTEZ)

ISANG araw matapos kumalat ang balitang may 31 baboy na hinihinalang namatay sa african swine fever, naglatag ng hindi bababa sa walong quarantine checkpoint ang lokal na pamahalaan ng Dasmariñas, Cavite sa mga partikular na entry at exit point sa lungsod, mula alas-6 ng umaga hanggang alas- 6:00 ng gabi.

Ayon kay PSSG Efren Recare, ng Dasmariñas Component Police Station, may instruction na sitahin ang mga closed van na may kargang mga karne ng baboy.

Katuwang nila sa nasabing quarantine checkpoint ang mga kawani ng Regional Agriculture Office.

Kasabay nito, nagkaroon din ng dialogue ang City Veterinary Office at Regional Agriculture Office sa mga lokal na hog raiser at piggery owner na abot sa higit 300.

Ipinaliwanag ng mga kinauukulan ang kasalukuyang sitwasyon sa posibleng nakapasok na swine fever sa lungsod, kaya’t hiningi nila ang pakikiisa ng mga mamumuhunan sa planong pagpatay sa higit 2,000 baboy na sakop ng 1 kilometer radius, mula sa barangay na pinagmulan ng pagkamatay ng 31 baboy.

Nitong Huwebes, naaktuhan sa Barangay Luzviminda 1 ang paghila ng mga residente sa isang sako na nakuha sa creek at naglalaman ng dalawang biik na posibleng namatay sa swine flu.

Sa panayam sa residenteng si Rogelio Alama Jr, nakita umano nila ang nilalangaw at mabahong sako na iniwan sa creek ng hindi pa nakikilalang suspek. Napilitan silang buksan ang sako at tumambad ang dalawang nangingitim na biik, kaya iniahon nila ito at inilibing.

Sinubukan namang sipatin sa nakakabit na cctv ang posibleng suspek na naghulog ng mga patay na biik sa creek, ngunit nagmamalfunction ang cctv at malayo ang hagip na anggulo sa creek.

Sinadya rin ng Saksi ang nasa 25 talampakang lalim at 30 talampakang luwang ng hukay sa loob ng isang lokal na sementeryo sa lungsod na paglalagyan sa 2,000 baboy na ililibing doon.

Sa panayam sa telepono kay Congressman Pidi Barzaga, sinabi nito na ang Regional Office ang hahawak at otorisadong magsalita, maglabas ng pahayag at magkumirma sa pagpasok ng swine flu sa lungsod ng Dasmariñas Cavite
Nakahanda rin daw ang lokal na pamahalaan ng Dasmariñas para magbigay ng tulong pinansyal sa mga hog raiser at piggery owner na maapektuhan sa nasabing pangyayari

Pasado alas-4:00 ng hapon nitong Huwebes, kinumpirma na ni Cavite Governor Jonvic Remulla na african swine fever ang sanhi ng pagkamatay ng mga baboy, base sa confirmatory testing na ginawa sa tissue ng mga ito.

 

404

Related posts

Leave a Comment