DATING SEPULTURERO, NO.1 KONSEHAL SA TAAL

taal map12

(NI NILOU DEL CARMEN)

KAHIT tumakbong independyente, wagi bilang number 1 municipal councilor ng Taal, Batangas ang sepulturero sa naturang bayan na si Arnel Garces.

Nagtala ang 61-anyos na  si Garces ng pinakamataas na boto na  17,787 para manguna sa 20 tumakbo sa pagkakonsehal ng Taal.

Lumamang ito ng 4,565 na boto sa sumusunod na nanalong konsehal at tinalo rin nito ang mga mapepera at mga prominenteng pangalan sa larangan ng pulitika sa nasabing bayan.

Dahil sa marubdob na hangarin na makapaglingkod sa bayan, napilitang tumakbo bilang independent candidate dahil walang partidong kumuha sa kanya.

Walang pera, walang makinarya at galing sa mahirap na pamilya, tanging puhunan ni Garces ay ang pagiging matulungin at mabuting pakikisama.

Sa buong panahon ng kampanyahan, solo itong   nangangampanya patungo sa 42 barangay ng Taal sakay ng kanyang motorsiklo.

Inisa-isa ang mga kainan at ang maraming taong mga lugar at tanging sinasambit ay “bahala ka na sa akin sa eleksyon.”

Ito na ang ikatlong pagtakbo ni Carces sa pagkakonsehal sa Taal kung saan hindi ito pinalad sa dalawang unang pagtatangka.

Umaasa naman ang kanyang mga kababayan sa Taal na ito ay patuloy na magiging independent sa kanyang paninindigan at patuloy na ipaglalaban ang karapatan ng mga mahihirap at hindi magpapadala sa kalakaran ng mga tradisyunal na politiko.

 

160

Related posts

Leave a Comment