DIGOS PNP, ITINANGGING INARESTO ANG NURSE NA WALANG ID

pnp1

DIGOS City – Mariing itinanggi ng Digos City Police Station (DCPS) na kanilang inaresto ang isang nurse na hindi pinalusot sa Inter-agency Task Force on COVID-19 checkpoint nang hindi ito makapagpakita ng kanyang identification card.

Sa ipinalabas na pahayag ng DCPS, mahigpit umanong ipinatupad ng mga awtoridad ang mga polisiya sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ngunit isang beripikasyon lang ang kanilang ginawa at hindi totoo ang mga lumabas na akusasyon.

Sa panayam sa kanyang telepono nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni Lt. Col. Vici Anthony Tababa, hepe ng DCPS, naayos na ang problema matapos mangyari ang insidente, tatlong linggo na ang nakalilipas.

Unang nag-post sa social media ang Philippine Nurses Association (PNA) Davao del Sur ng pagkondena sa ginawang aksyon ng law enforcers sa checkpoints dahil sa hindi umano pagrespeto sa Professional Regulation Commission (PRC) ID at employment ID ng isang nurse at hinanapan pa ng quarantine pass.

Ito ay makaraang makarating sa PNA ang impormasyon na isang nurse ang inaresto malapit sa LYR Building sa Rizal Avenue, ng mga pulis na nagpapatrolya sa ipinatutupad na city-wide “Oplan Patagam”.

Ayon sa post, sakay ang nurse sa isang tricycle kasama ang kanyang kapatid nang ma-hold ito sa random checking.

Nang hingin ng mga pulis ang quarantine pass ng mga ito, ang kapatid lamang ng nurse ang meron nito at tanging PRC license at company ID ang ipinakita nito sa mga awtoridad.

Hindi umano ito tinanggap ng mga awtoridad at sa halip ay hiningian pa ito ng certificate of employment (COE).

Matapos umanong ‘di maipakita ng nurse ang kaukulang dokumento ay isinakay ito sa patrol car at dinala sa Digos City gymnasium kung saan isinailalim sa dalawang oras na community service dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod.

Iginiit ng DCPS na tanging PRC license lang at walang dalang company ID ang nurse upang makapagtunay na nagtatrabaho nga ito.

Ngunit ayon kay Tababa, naisaayos na ito at wala na umanong problema ang mismong concerned kung kaya’t hinakaya’t nito na tapusin na ang naturang isyo.

Nilinaw naman ni Tababa na dapat magtulungan ang lahat ng frontliners sa pagsugpo sa COVID-19 at inabisohan ang publiko na ‘wag agad mag-post sa social media ng hindi malinaw na impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng mga maling balita.

“Sa ilalaim ng GCQ, kailangan talaga magpakita tayo ng ID, kahit nga mga pulis, sundalo at ibang nasa gobyerno ay hindi exempted sa guidelines,” ani ng opisyal. (DONDON DINOY)

63

Related posts

Leave a Comment