DRIVER NG SUV TUGIS SA PAMAMARIL

baril

CAVITE – Tinutugis ng Cavite police ang driver ng isang itim na Toyota Fortuner na responsable sa pamamaril sa isang lalaki na kausap nito sa harapan ng bahay ng huli sa Gen. Trias City noong Huwebes ng gabi.

Ang suspek na si alyas “Mario”, driver ng itim na Toyota Fortuner na may plakang DAI 7670, ay tumakas matapos pagbabarilin ang biktimang si alyas “Allan” ng Brgy. Aligaro, Gen Trias City, idineklarang dead on arrival sa Gen. Trias Medical Center.

Ayon sa ulat, bandang alas-9:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Brgy. Aligaro, Gen. Trias City, Cavite.

Sakay ang suspek ng kanyang Toyota Fortuner na may plakang DAI 7670, at ipinarada sa harapan ng bahay ng biktima saka bumusina dahilan upang lumabas mula sa kanyang bahay ang huli.

Lumapit ang biktima sa tabi ng sasakyan ng suspek habang tila nag-uusap hanggang isang putok ng baril ang narinig at bumagsak si alyas “Allan”.

Lumabas pa mula sa sasakyan ang suspek at binaril ulit ang nakahandusay na biktima saka sumakay sa sasakyan at pinasibad sa direksyon ng Brgy. Manggahan, Gen. Trias City.

Isinugod ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Land Transportation Office (LTO) sa Cavite para sa pagkakakilanlan ng may-ari ng nasabing sasakyan habang iniimbestigahan ang insidente. (SIGFRED ADSUARA)

33

Related posts

Leave a Comment