SULTAN Kudarat – Blangko pa ang mga awtoridad hinggil sa posibleng motibo sa pananambang na ikinamatay ng dating alkalde na naging bise-gobernador, makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek habang minamaneho ang kanyang truck, iniulat nitong Miyerkoles sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Rolly Recinto, residente ng Purok Inamnama, Barangay Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat.
Batay as report ng Sultan Kudarat Police Station, bandang alas-2:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa national highway ng Brgy. Bilumen, Lambayong, Sultan Kudarat.
Lumabas sa paunang imbetigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang Mitsubishi L-200 truck galing Tacurong City at pauwi na sa kanilang tahanan nang bigla na lamang itong tambangan ng armadong kalalakihan.
Pinaulanan umano ng mga suspek ng bala mula sa .45 kalibreng baril at M16 armalite rifles ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan at pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga armado.
Isinugod sa ospital ang biktima ngunit hindi na umabot nang buhay.
Sa nayon, inaalam ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Napag-alaman, dating alkalde sa bayan ng Lambayong at bise-governador sa Sultan Kudarat si Recinto.
Kaugnay nito, nag-alok ng reward money ang pamahalaang lokal ng Lambayong sa sino mang makapagtuturo sa mga suspek. (ANNIE PINEDA)
375