ISANG napakalaking 16-foot-diameter okoy bilao ang nagbigay-diin sa pagdiriwang ng mayamang culinary heritage ng Bulacan sa paglulunsad ng “Bestival Chef” ng SM City Baliwag, na ginanap alinsunod sa kampanya ng SM’s Foodie Festival kamakailan.
Ang event ay sinaksihan nina Baliwag City Mayor Ferdie Estrella at Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Bulacan Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office Bulacan ( PHACTO), Crispin De Luna, kinatawan ni Gov. Daniel Fernando, at Jubairah De Leon, kinatawan ni Vice Gov. Alex Castro, kung saan inilatag at nasaksihan nila ang pinakamalaking Okoy Bilao sa Pilipinas.
Umabot sa 2,400 piraso ng okoy ang pinagsaluhan at ibinigay sa mall goers.
Ang Okoy King, isang homegrown brand na naghahain ng mga orihinal na recipe ng okoy mula sa Lungsod ng Baliwag, ay gumamit ng hindi bababa sa 200 kilo ng ginutay-gutay na kalabasa upang lumikha ng higanteng okoy bilao.
Ang okoy, o crispy deep-fried fritters, ay isang tanyag na pagkain sa Bulacan, kadalasang inihahain bilang almusal, pampagana, o meryenda.
“The largest serving of food is not just a celebration of the best flavors in the province but also a way of fostering patronization in our local products,” pagbabahagi ni SM City Baliwag Mall Manager Rodora Tolentino.
Kasunod ng pag-unbox ng higanteng okoy bilao, pinangasiwaan ng business manager ng Okoy King na si Avon Garcia, ang cooking demo para sa mga aspiring Bulakenyo chef.
Sa kaganapan, ang mga piling estudyante ng Hospitality Management mula sa NU Baliwag ay nagkaroon ng pambihirang pagkakataon na makaranas ng hands-on na pagsasanay sa step-by-step na proseso ng pagluluto ng okoy.
Bukod sa pinakamalaking serving ng pagkain, ang isang curated selection ng pinakamahuhusay na provincial at homegrown dishes ay kasalukuyang ipinakikita sa Favoreats Food Market sa SM City Marilao, SM City Baliwag, at SM Center Pulilan. (ELOISA SILVERIO)
96