HALF-BROTHER INARESTO SA PAGPATAY SA LADY FISCAL

INARESTO ng Digos City Police ang half-brother ng pinaslang na lady prosecutor matapos na iturong suspek sa pagkamatay ng biktima na binaril sa Chapter 8, Tienda, Brgy. Aplaya, Digos City, Davao del Sur noong Lunes ng hapon.

Ayon sa mga awtoridad, ang suspek na si Arnel Dela Peña, 56, ay inaresto noon ding Lunes ng gabi kasunod ng isinagawang hot pursuit operations sa pagkamatay ni Atty. Eleanor Dela Peña, na binaril sa loob ng kanyang sasakyan.

Ayon sa Digos City Police, nakilala ang suspek sa pamamagitan ng mga pahayag ng anak ng biktima na si Kenneth De Leon, at ganoon din sa CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen, at sa paglalarawan ng mga nakasaksi sa krimen.

Inilarawan ng mga testigo ang gunman na nakasuot ng itim na helmet na may letrang “M,” isang asul na hooded jacket, pantalong maong, at nakasakay sa pulang motorsiklo, na tumutugma sa hitsura ng suspek.

Sa pagkakaaresto sa suspek, narekober ng mga pulis ang mga bala, isang itim na helmet na may letrang “M,” isang asul na Fila-branded na jacket na naka-hood, at dalawang cell phone.

Sinabi ng Digos City Police, ang posibleng motibo sa pagpatay kay Dela Peña ay pinaniniwalaang land conflict.

Inihahanda ng mga awtoridad ang kasong murder laban sa suspek.

Ang biktima ay assistant provincial prosecutor ng Davao Occidental at dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines – Davao City chapter habang ang suspek ay kapatid nito sa ama. (NILOU DEL CARMEN)

55

Related posts

Leave a Comment