HERD IMMUNITY SA DAVAO SINIGURO SA NOBYEMBRE

TINIYAK ni Mayor Sara Duterte sa mga Dabawenyo na hindi maapektuhan ang kanyang trabaho bilang alkalde at kaya nilang abutin ang herd immunity sa November 2021 kahit umiikot siya sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Tugon ito ng alkalde sa isang ambush interview matapos magpasaring si Manila Mayor Isko Moreno na dapat mag-focus muna ang isang alkalde sa kanyang constituents bago ang pulitika.

Siniguro rin ni Duterte-Carpio na nagagampanan niya ang kanyang trabaho dahil nag-iiwan naman siya ng mga pag-aatas sa department heads habang tumatayo namang alkalde ang kanyang kapatid na si Vice Mayor Sebastian Duterte.

Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na nakapagtala na rin ang Davao City Vaccination Cluster ng kabuuang 257,253 doses na naiturok kung saan 211,425 ang nakatanggap ng first dose at 45,828 naman ang second dose.

Samantala, umaapela ang alkalde sa National Task Force Against COVID-19 na dagdagan ang doses ng bakuna sa Davao City dahil unti-unti na rin nilang binubuksan ang ekonomiya sa lungsod.

Si Duterte-Carpio ay nanguna kamakailan sa Pulse Asia Survey bilang napipisil na susunod na pangulo habang ang kanyang ama na si President Rodrigo Duterte ay nanguna rin sa vice presidential bet. (PAOLO SANTOS)

34

Related posts

Leave a Comment