HERMANO PULE BINIGYANG-PUGAY NG QUEZONIANS

KASAMA ni Quezon Gov. Helen Tan na nagbigay-pugay kay Hermano Pule sina Col. Johnson Jemar D. Aseron PA, (MNSA), Acting Deputy Commander SOLCOM, AFP at PNP Quezon Provincial Director Col Ruben B. Laquesta.

GINUNITA nitong Lunes, Nov. 4, ang ika-183 anibersaryo ng kamatayan ni Apolinario Dela Cruz o mas kilala bilang “Hermano Pule” sa Isabang, Tayabas City.

Sa kabila ng maulang panahon, pinangunahan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang seremonya kasama sina Tayabas City Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, mga Punong Tanggapan sa pangunguna ni P.A Manny Butardo, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kabalikat ang Southern Command ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para sa pag-alala sa kabayanihan, kontribusyon at sakripisyo ni Hermano Pule.

“God is really Good, tayong lahat ang tumatamasa ng iniwang kapayapaan ni Hermano Pule, kung kaya’t bilang Quezonian marapat na sama-sama nating pagyamanin at pagyabungin ang yaman na mayroon ang Lalawigan ng Quezon,” ayon pa sa gobernadora.

Hiling naman ni Gov. Tan na maisabatas na ng Kongreso ang ika-4 ng Nobyembre bilang opisyal na holiday sa lalawigan ng Quezon para sa paggunita sa kamatayan ni Hermano Pule.

Sa naturang seremonya, kinilala ng gobernadora ang mahalagang ambag ni Hermano Puli sa mga taga-Quezon, partikular sa kanyang pakikibaka para sa mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan.

Sa panahon aniya ngayon, dapat nating pahalagahan ang mga sakripisyo ng mga bayani na nagbigay-daan sa ating kasarinlan at nanawagan din sa mga kawani ng gobyerno na pag-ibayuhin ang kanilang serbisyo sa publiko bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga nauna sa atin.

Ayon kay Gov. Tan, ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng lipunan na kailangan magpatuloy sa pagtutok sa mga programang makikinabang ang mamamayan, gaya ng mga proyekto sa edukasyon, kalusugan, at imprastruktura.

Mahalaga rin aniya na maging tapat at responsable ang mga ito sa kanilang mga tungkulin upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

67

Related posts

Leave a Comment