SARIAYA, Quezon — Nababalisa ngayon ang maraming residente at motorista dahil sa unti-unting pagguho ng lupang kinatitirikan ng mga bored piles o poste sa ilalim ng Lagnas bridge 1, sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Sampaloc 2 sa bayang ito.
Napuna ito ng mga residente matapos ang pananalasa ng Bagyong Kritine.
Ang Lagnas bridge ay bahagi ng nasabing highway na nagsisilbing pangunahing daan sa pagitan ng National Capital Region at sa kabuuan ng Southern Luzon at kung wala ito ay maoobligang dumaan ang mga motorista at biyahero sa Quezon Eco- Tourism Road via Rosario- San Juan Road sa Batangas at Candelaria sa Quezon.
Simula pa ng nakalipas na taon, ang nasabing isyu ay tinatalakay na ng ilang mamamahayag sa kanilang mga radio program kasunod ng reklamo ng mga nababalisang residente at motorista.
Noong January 4, 2023, si Quezon Governor Angelina Tan ay sumulat kay Department of Public Works and Highways (DPWH) regional director Jovel Mendoza at nakiusap para sa madaliang repair, rehabilitation o anomang akmang engineering intervention ng nasabing ahensya kaugnay sa nasisirang kondisyon ng tulay.
Ginawa ng gobernador ang pagsulat matapos ang inspection ng Provincial Engineering Office sa naturang tulay kung saan nakita ng mga ito ang gumuguhong sub-surface foundation ng mga poste sa ilalim nito dulot ng Bagyong Paeng noong October 2022.
Bilang tugon sa pakiusap ng gobernador, ang DPWH- Quezon 2nd District Engineering Office na pinamumunuan ni District Engineer Del Rosario Naca ay nagsagawa ng inspection at naglagay ng mga gabion malapit sa pundasyon ng isa sa dalawang poste upang mapigilan ang soil at rock erosion sa palibot nito.
Sinabi naman ng ilang residente malapit sa tulay na ang aksyon ng DPWH ay isa lamang band-aid solution at hindi sapat upang tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at mga pedestrian.
Ayon sa ilang engineer, ang kahinaan ng gabion ay kalawang na sumisira sa mga wire basket na naglalaman ng mga bato na pinapangharang sa baha.
Noong Sabado, isang grupo ng mga mamamahayag ang nagtungo sa ilalim ng tulay makaraang makatanggap ng sumbong sa ilang residente. Doon ay natuklasan ng grupo ang unti-unting pagguho ng lupa na pinapatungan ng isang poste na pumapasan sa bigat ng tulay. Walang mga gabion sa paligid nito kung kaya’t naaabot ng rumaragasang tubig ng ilog dulot ng mga bagyo at malakas na pag-ulan.
Ayon sa kanilang pagtaya, posible umano itong gumuho nang tuluyan pagdating ng mga bagong bagyo, kung hindi mareremedyuhan ng DPWH.
Bukod sa nasabing ahensya, nananawagan din ang mga residente at motorista kay Quezon 2nd District Rep. David Suarez na siyang may hurisdiksyon sa lugar.
“Tutal ay wala naman siyang makakalaban sa election dahil sa kanyang ginawang pakikiusap kay Pangulong Bongbong Marcos, sana ay asikasuhin naman niya ang mga problema sa kanyang distrito,” wika ng isang motorista na taga kalapit bayan ng Candelaria.
Noong 1995, ang unang Lagnas bridge ay pinaguho ng malaking baha na nagmula sa mataas na bahagi ng Mt. Banahaw dahil sa lakas ng bagyong “Rosing”.
71