ISLA NG TAAL ‘NO MAN’S LAND’

ISLA NG TAAL

Mga bitak sa Batangas dumami pa

INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na ideklarang “no man’s island” ang Taal Volcano Island kasunod ng pag-aalburuto nito at ang pinangangambahang mas mapanganib na pagsabog anomang oras.

Nabatid ito mula kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa gitna ng nagpapatuloy na paglikas sa mga residente mula sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

“Yes, it was approved by PRRD [President Rodrigo Roa Duterte] but it would be gradual until relocation for settlers is prepared,” ayon kay Año.

Nauna nang inirekomenda ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kailangang wala nang manirahan sa isla ng Taal Volcano.

“I believed that we should… I strongly believe —recommend that we strictly implement the suggestion or the recommendation that the Taal Island will be declared ‘no man’s land,” pahayag ni Lorenzana.

Nauna nang sinabi ni Phivolcs Director Undersecretary Renato Solidum na dahil isang national park ang Taal volcano bukod pa sa deklaradong protected area at permanent danger zone, walang tao ang dapat na manirahan doon.

Ipinupursige rin ng Phivolcs na matapos ang hazard sensitive land use plan para sa mga bayan sa paligid ng bulkang Taal dahil malaki umano ang epekto ng paglilikas ng mga tao tuwing may mga aktibidad ang bulkan.

Mga aktibidad sa bulkan, humina pero…

Nabawasan ang naitalang mga aktibidad ng bulkang Taal ngunit hindi umano ito nangangahulugan na tapos na ang banta ng malakas na pagsabog nito.

“Kapag sinabi mong humihina, trending, ibig sabihin from malakas, pababa. Ang sinasabi namin, generally mas mahina kesa sa nakaraang araw. Iba yung talagang definite ka na pag humihina eh, parang may tinutukoy ka na pawala na. Mahirap sabihin yun,” paglilinaw ni Solidum.

Normal din aniya ang paghina ng mga aktibidad ng bulkang Taal dahil sa mabagal na pag-akyat ng magma.

Mga bitak na kalsada, dumami pa

Habang patuloy sa pagbuga ng lava at abo, nadagdagan pa ang mga lugar na nagkaroon ng bitak na nangangahulugan umano na maraming magma ang naiipon sa ilalim ng bulkan.

Ilan sa mga lugar na nakitaan ng bitak ay sa mga barangay Sinisian, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang, Poblacion, at Mataas na Bayan sa bayan ng Lemery; Pansipit at Bilibinwang sa Agoncillo; Poblacion 1, 2, 3, at 5 sa Talisay; Poblacion sa San Nicolas; at sa kalsadang nag-uugnay sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel.

“Kapag itong main crater ang pumuputok, nagkakaroon tayo ng pagbitak, at yung pagbitak ay manifestation ng ground deformation o yung pag-alsa ng bulkan, kasama na yung lawa at paligid ng lawa,” paliwanag ni Ma. Antonia Bornas, chief of Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division.

Gayunman, pinawi ni Bornas ang pangamba na may dadaloy na lava mula sa mga bitak kundi sa mga vent lamang tulad ng bunganga ng Taal volcano.

Tubig sa Pansipit River umatras

Nagulat ang mga residente sa bayan ng Taal nang makitang halos nasaid ang tubig sa Pansipit River.

Pero paliwanag ni Solidum, dahil sa paggalaw ng magma ay umaangat ang ibabaw ng lupa at bumababa ang mismong lawa ng Taal.  (JG Tumbado)

285

Related posts

Leave a Comment