JUETENG SA ALBAY, IKINASA NA

jueteng123

LEGASPI City – Nananawagan ang ilang cause oriented groups ng Kabikolan sa pamunuan ng PNP na ipatigil ang operasyon ng jueteng sa Albay makaraang umpisahan na ang bola nito, may isang linggo pa lang ang nakararaan.

Batay sa sumbong na nakarating sa pahayagang ito, Peryahan ng Bayan ang ginawa umanong front ng mga financier nito na nagsimula na sa nabanggit na Lungsod ni Mayor Noel Rosal, kung saan isang Kapitan Nimo ang nagpapatakbo ng operasyon sa iba’t ibang bayan na sakop ng lalawigang ito.

Napag-alaman din na si Kapitan Nimo na utak ng operasyon ngayon ng ilegal na sugal na ito, ay dating barangay chairman ng Anislag at matagal nang malapit na tauhan umano ni Albay Gov. Al Francis Bichara na una nang pumutok ang pangalan sa isyu ng jueteng.

Bagaman may pahintulot ang Peryahan ng Bayan sa Philippine Charity Sweepstakes(PCSO), ipinagbabawal pa rin ang operasyon nito sa Metro Manila mula pa noong Marso 16 nang ipatupad ang enhanced community quarantine(ECQ ) sa Luzon hanggang ngayong nasa general community quarantine (GCQ) na lang ito alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force bunsod na rin sa pagsabog ng pandemyang COVID-19 sa bansa.

Matatandaang Small Town Lottery(STL) at Peryahan ng Bayan ang gamit na prente ng financiers ng jueteng sa Bicol na patuloy na namamayagpag sa ilang lalawigan dito bago pa man umupo si PNP Chief, Director General Archie Gamboa kung kaya naglabas ito ng direktiba sa lahat ng Regional Director sa buong bansa na tuldukan ang lahat ng uri ng ilegal na sugal sa bansa kabilang na ang jueteng na ilang taon na rin umanong gatasan ng ilang tiwaling opisyal ng kapulisan. (SAKSI NEWS TEAM)

113

Related posts

Leave a Comment