(NI AMIHAN SABILLO)
HINDI na magbabago ang rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) na hindi na palawigin pagkatapos ng Disyembre 31 ang martial law sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa, sa kabila umano ng serye ng pagsabog na naganap sa Cotabato City, at mga lalawigan ng Cotabato at Maguindanao nitong linggo ng gabi.
Hindi bababa sa 23 ang sugatan kabilang ang 8 sundalo sa magkakahiwalay na pagpapasabog.
Sinabi pa ni Gamboa, masyado pang maaga para gumawa ng mga konklusyon kaugnay ng naganap na mga pagsabog.
Ayon kay Gamboa, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PNP sa mga insidente at inaalam pa ang possibleng motibo at mga possibleng nasa likod ng pambobomba.
Kasabay nito, nanawagan si Gamboa sa publiko na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.
199