KANDILA NG PAGPUPUGAY SA NAMAYAPANG ALKALDE

SININDIHAN ang 40,000 na kandila bilang pagpapakita ng pagdadalamhati at pagpupugay ng mamamayan ng bayan ng Bocaue sa Bulacan sa namayapang ina ng bayan na si Mayor Joni Villanueva-Tugna noong Biyernes ng gabi.

Itinulos ang mga kandila sa itim na timba na pinaglagyan ng relief goods na ipinamahagi ni Mayor Joni noong kasagsagan ng lockdown dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Mula sa Barangay ng Bunlo sa kahabaan ng Manila North Road o Mac Arthur Highway at sa mga provincial at barangay roads ng bawat sulok ng mga barangay ay inilabas ng mga Bocauenos ang mga timbang itim at dito nagtulos ng kandila bilang pag-alala sa namayapa nilang punong bayan.

Dakong alas-6:00 ng gabi nang sabay-sabay simulan ang pagtutulos ng kandila sa buong bayan na nagpaliwanag sa kapaligiran kasabay ng pag-aalay nila ng dasal.
Sa kabila ng kanyang karamdaman ay mas pinili ni Mayor Joni na tugunan ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan at hindi inalintana ang posibleng panganib sa kanyang buhay nang personal niyang pangasiwaan ang repacking ng mga relief foods at sumasama pa sa distribution nito sa 19 na barangay.

Si Mayor Joni ay naratay sa St. Lukes Hospital sa Taguig ilang linggo bago ito binawian ng buhay sa sakit na sepsis secondary to bacterial pneumonia nitong Mayo 28.

Hindi maiwasan ang panghihinayang ng mga Bocaueños lalo na ng ama nitong si Bro. Eddie Villanueva, founder ng Jesus Is Lord (JIL) church sa maagang paglisan ni Mayor Joni na nag-iwan ng legasiya at itinuturing na bayani ng kasalukuyang henerasyon sa bayan ng Bocaue sa dami ng nagawa para maiangat ang antas ng nasabing bayan partikular na ang bawat residente rito.

Hindi lamang buong bayan ng Bocaue ang nagluluksa kundi maging ang buong lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando na nagpaabot ng pagpupugay at pakikidalamhati sa pamamagitan ng kanyang Facebook page na labis na nanghihinayang sa pagkawala ni Mayor Joni.

“Sa maraming  pagkakataon ay nasaksihan ko ang kanyang mapagkalingang paglilingkod, tunay po siyang butihing ina ng Bayan ng Bocaue. Paalam Mayor Joni, tanggapin mo ang parangal ng mga kababayang iyong minahal–– salamat at nakasama ka namin sumandali dito sa mapanghamong landas ng paglilingkod sa ating mga kalalawigan. Salamat sa inspirasyon ng iyong pamumuno. Gabayan nawa kami ng iyong mga dalangin sa bawat sandali ng aming paglilingkod,” ani Fernando.

Samantala, isinagawa ang public viewing, Linggo ng umaga at wala pang inaanunsiyo ang pamilya Villanueva-Tugna kung kailan ang araw ng libing. ELOISA SILVERIO

99

Related posts

Leave a Comment