(NI NICK ECHEVARRIA)
KINUKUWESTIYON ngayon ng Philippine National Police (PNP) kung bakit walang kasamang security escort ang mga may dala ng mga voting counting machines (VCM) at election paraphernalia na sinunog sa Jones, Isabela noong Martes.
Gustong paimbestigahan ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang pangyayari dahil malinaw aniya na paglabag ito sa napagkasunduan ng PNP, AFP at Comelec na kailangang may escort ang pagta-transport ng mga election paraphernalia.
Layunin ng hakbang ni Albayalde na magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng lahat ng mga may kaugnayan sa pagbibigay ng seguridad sa mga eleksyon paraphernalia para maiwasang maulit ito sa susunod.
Miyerkoles nang ianunsyo ng Police Regional Office (PRO) 2 ang pagkakadakip kay Rodel Pascual noong Martes din ng gabi sa isang pursuit operation, samantalang na turn-over sa kanila ang isa pang suspek na si Jayson Leanio na sumuko naman nitong Miyerkoles ng umaga sa mga opisyal ng barangay Sta Isabel.
296