LAHAR RUMAGASA SA LAUREL, BATANGAS

BATANGAS – Muling nasalanta ang mga residente sa isang barangay sa bayan ng Laurel na napinsala ng pag-alburoto ng bulkang Taal, nang rumagasa ang lahar dahil sa malakas na buhos ng ulan noong Linggo ng hapon.

Kanya-kanyang salba ng mga kagamitan ang mga residente ng Barangay Buso-Buso nang rumagasa pababa sa ilog ang magkahalong baha at putik na nagmula sa karatig na highland areas na sakop ng bayan ng Laurel at Lemery.

Bunsod nito, umapaw ang tubig at lahar sa kabahayan at mga kalsada.

Ang Barangay Buso-buso na nasa western side ng Taal lake area, ay isa sa apat na barangay ng Laurel at Agoncillo na pinakagrabeng napinsala sa pag-alburoto ng bulkan noong Enero.

Napinsala rin sa ashfall ang mga barangay ng Subic Ilaya at Bilinbiwang sa Agoncillo, at Banyaga sa Laurel.

Nangangamba ang mga residente hinggil sa posibleng kasunod pang pagragasa ng lahar dahil sa parating na panahon ng tag-ulan.

Nanawagan sila sa lokal at at pamahalaang nasyunal na tulungan sila sa kanilang mahirap na kalagayan ngayong hindi pa man nakababangon sa trahedya sa pagsabog ng bulkan ay nahaharap na naman sa bagong kalamidad.

Pinayuhan naman ng mga lokal na opisyal ang mga residente na pansamantalang lumikas at lumayo muna sa ilog ngayong panahon ng tag-ulan. (NILOU DEL CARMEN)

97

Related posts

Leave a Comment