ARESTADO ang isang lalaki habang pinaghahanap ang dalawang kasama nito matapos putulin at tangayin ang kable ng kuryente sa Barangay Navarro, Gen Trias City, Cavite Huwebes ng hapon.
Kasong Theft ang kinakaharap ng suspek na si Alberto Rodriguez Brillantes, 59, ng Area C, Brgy. San Andres 2, Dasmarinas City, Cavite habang pinaghahanap ang dalawa pang kasama nito dahil sa reklamo ng Local Government Unit (LGU) ng Barangay Navarro, Gen. Trias City.
Sa ulat, dakong alas-4:00 kamakalawa ng hapon habang nagroronda ang mga tanod ng Brgy. Navarro sa Damayan St., Brgy. Navarro nang maaktuhan ang tatlong kalalakihan habang hinihila ang kable ng kuryente para sa street lights sa Brgy. Damayan.
Nahuli si Brillantes habang nakatakbo ang dalawang kasamahan nito at narekober ang 3.6 mm haba ng electric wires na nagkakahalaga ng P7,000.
Ito rin ang dahilan kung bakit nawawalan ng ilaw sa nasabing lugar. (SIGFRED ADSUARA)