CAVITE – Patay ang isang lalaki nang tarakan sa tagiliran ng kanyang live-in partner nang magkapikunan sa kalagitnaan ng kanilang masayang inuman sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa Poblete Memorial Hospital ang biktimang si Donny Bulatao y Campano dahil sa saksak sa tagiliran mula sa kanyang live-in partner na si Nora Gostilo y Orence.
Ayon sa ulat, nag-iinuman ang biktima, kanyang live-in partner at isang Rodel Del Carmen, na nakasaksi sa pangyayari, sa Kaytitinga 3, Alfonso, Cavite dakong alas-9:50 ng gabi.
Sa kalagitnaan ng inuman, hindi nagkaintindihan ang mag-live-in partner na nauwi sa pikunan kaya nasapak ng lalaki sa mukha ang kanyang kinakasama na ikinagalit ni Gostilo.
At dahil nakainom, ikinagalit din ito ng babae at nang makakita ng patalim ay sinaksak nito ang lalaki sa kanyang tagiliran.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit nalagutan ng hininga, habang inaresto ang suspek ng mga tauhan ng Alfonso police.
(SIGFRED ADSUARA)
168