LALAKI PATAY SA TANDEM SA MISTAKEN IDENTITY

LAGUNA – Patay ang isang lalaki sa pamamaril ng riding in tandem gunmen sa Purok 2, Brgy. San Pedro, San Pablo City noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Zeus Javier Magnaye, miyembro ng Scouts Royale Brotherhood (SRB) fraternity, at residente ng Barangay San Lorenzo, sa nasabing lungsod.

Ayon sa report, dakong alas-5:00 ng hapon, pauwi na sa kanila ang biktima matapos ihatid ang isang kakilalang babae sa bahay nito, nang harangan ito ng mga suspek at pinagbabaril.

Tinamaan ng bala ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan at idineklarang dead on arrival sa San Pablo District Hospital.

Tumakas naman ang mga suspek sakay ng itim at puti na motorsiklong XRM na walang plaka subalit nasabat naman ang mga ito sa hot pursuit operation at inilatag na checkpoint ng mga tauhan ng San Pablo City Police sa Barangay Sto. Anghel dakong alas-6:00 ng gabi.

Ayon kay PLt. Col. Wilhelmino Saldivar Jr., hepe ng San Pablo City Police, nag-disguise pa na mga babae ang mga suspek na nakilala sa mga pangalang “Gerald” at “Argie” at nagsaklob ng pangbabaeng wig at maskara subalit natukoy ng mga witness ang motorsiklong sinasakyan ng mga ito.

Ayon pa sa pulisya, napag-alaman na hired killers ang dalawa subalit napagkamalan lamang ng mga ito ang biktima na sila nilang target na itumba.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)

57

Related posts

Leave a Comment