LALAKING PINILIT MAG-SHABU, NANAKSAK

QUEZON – Patay ang isang lalaki matapos na saksakin ng kainumang kanyang pilit na pinagamit ng shabu sa Purok Kaimito, Brgy. Ilayang Talim, Lucena City noong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Darwin Panelo, tubong Padre Burgos, Quezon, idineklarang dead on arrival sa Lucena United Doctors Hospital dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa report ng Lucena City Police, mag-aalas-2:00 ng madaling araw, nag-inuman ang biktima at ang suspek na si Anthony Albutra Alegre sa bahay ng isa nilang kaibigan na si alyas “Nane”.

Sa pahayag ni Alegre, nang makatulog na si Nane, naglabas umano ng shabu si Panelo at pilit siyang pinagamit.

Matapos ang kanilang pagda-drugs, bigla na lamang umano siyang sinabihan ng biktima na sasaksakin at papatayin.

Dahil sa takot na totohanin ng biktima ang banta, inunahan niya itong saksakin gamit ang nakatago niyang patalim at pagkaraan ay tumakas.

Naaresto naman ng nagrespondeng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong homicide. (NILOU DEL CARMEN)

34

Related posts

Leave a Comment