Bagong Calarian, Zamboanga City – Nasa 24 katao kabilang ang ilang bata, ang nasagip ng mga tauhan ng Naval Task Group Tawi-Tawi na nasa ilalim ng pamumuno ng Naval Forces Western Mindanao, sa gitna ng dagat malapit sa Tanjung Labian, Malaysia.
Base sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, nakatanggap ng distress call ang Naval Forces Western Mindanao hinggil sa nasiraang Philippine registered vessel sa may Tanjung Labian, Malaysia, na may sakay na 17 pasahero at 7 tripulante.
Ayon sa Maritime Situational Awareness Center-Western Mindanao (MSAC-WM), nakatanggap sila ng report hinggil sa nasirang lantsa mula sa LMS Bongao na siyang naka-monitor sa distress call na nagmula sa ML RIHANA na humihingi ng saklolo dahil nasira ang makina ng kanilang lantsa at nagpalutang-lutang sa bisinidad ng Tagupi Island, Malaysia noong Pebrero 24, 2023.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Royal Malaysian Ship (RMN) Todak, hinatak ang distressed vessel sa pantalan ng Tanjung Labian, Malaysia.
Agad na inatasan ng NFWM ang JTF Tawi-Tawi para ipadala ang BRP Florencio Iñigo (PC393) sa nasabing lokasyon ng distressed vessel para masaklolohan ang mga sakay nito.
Bandang ala-1:50 ng umaga noong Pebrero 26 ay narating ng mga tauhan ng Philippine Navy ang distressed vessel at hinatak ito mula Tanjung Labian, Malaysia papuntang Lamion Wharf, Bongao, Tawi-Tawi. (JESSE KABEL RUIZ)
