LIDER NG NPA, 4 PA ARESTADO

LEYTE – Arestado ang isang mataas na lider ng New People’s (NPA) at apat na iba pa sa ikinasang Joint AFP-PNP law enforcement operations sa Tacloban City sa lalawigang ito, nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang arestadong lider ng NPA na si Frenchie Mae Castro Cumpio, alyas Pen, secretary ng Regional White Area Committee – Eastern Visayas Regional Party Committee (RWAC-EVRPC), habang hindi naman pinangalanan ang apat na iba pang kasabay na nadakip nitong Pebrero 7 sa Tacloban City.

Nabatid na pasado alas-2:00 ng madaling araw nitong Biyernes nang magkakapanabay na ipatupad ng mga awtoridad ang pahahalughog, sa bisa ng dalawang search warrants, sa dalawang kilalang safe house ng mga Communist Terrorist Group (CTG) sa Gumamela St., Bañezville II, Fatima Village, Brgy. 77, at sa Calanipawan St., Brgy 96 (Calinapawan), sa Tacloban City na pinagkukutaan umano ng mga rebelde na kumikilos sa Eastern Visayas.

Matapos ang paghahalughog, dinakip ng mga awtoridad ang nabanggit na mga terorista dahil sa pag-iingat ng mga ilegal na armas at mga bala gayundin ang mga kontrabando na natagpuan sa sinalakay na dalawang kuta ng mga CTGs.

Nasa kustodiya ngayon ng PNP Regional Office sa Tacloban City ang mga inaresto kasama ng nakumpiskang mga ebidensya.

Sila ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o “An Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions”.

“Ang pagkakaaresto kay Frenchie Castro Cumpio at ng kanyang mga kasamahan ay resulta ng impormasyon mula sa ating mga kababayan. Sinasabuhay na po natin ang whole-of-nation approach. Ipagpatuloy lang po natin ito at siguradong marami pa tayong mahuhuli at ma-neutralize na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) at sama-sama nating ma-a-accomplish ang ating mission to end local communist armed conflict dito sa Eastern Visayas”, pahayag ni M/Gen. Pio Q. Diñoso III, commander ng Joint Task Force Storm. (NICK ECHEVARRIA)

 

144

Related posts

Leave a Comment