Lola ginising ng ‘demonyo’ MISTER, ANAK PINATAY SA TAGA

MISAMIS Oriental – Halos maputol ang ulo ng mag-ama nang tagpasin sila ng kanilang ilaw ng tahanan habang nakatakbo ang tatlong apo ng mag-asawa, iniulat nitong Sabado ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang mag-amang napatay na sina Luciano Loresca,70, at Elvie Loresca Bagares, 36, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Vivian Loresca, 70, pawang mga residente ng Sitio Magpalit, Brgy. Cabalantian, Manticao, Misamis Oriental.

Samantala, nakaligtas ang tatlong batang mga apo ng mag-asawa nang makatakbo ang mga ito palabas ng kanilang bahay.

Ayon kay Manticao Police Station commander, Lt. Chance Ramirez, natutulog ang pamilya Loresca sa kanilang bahay nang biglang kumuha ng itak ang suspek at pinagtatagpas ang leeg ng kanyang asawa’t anak.

Pagkatapos ay sunod namang tinagpas ang tatlong menor de edad na apo ngunit nakatakbo ang mga ito at humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

Mabilis naman nakatawag ng tulong sa mga awtoridad ang mga kapitbahay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek ngunit wala nang buhay ang mag-ama.

Sinampahan ng kasong double parricide at multiple frustrated parricide ang suspek na nakakulong na sa selda ng Manticao, Misamis Oriental.

Sa himpilan ng pulisya, hindi inamin ng suspek ang pagpatay sa kanyang mag-ama at sinabing demonyo ang gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Sinabi naman ni Ramirez, kapag napatunayan na may problema sa pag-iisip ang suspek at isasailalim muna ito sa pagpapagamot. (ANNIE PINEDA)

130

Related posts

Leave a Comment