CAGAYAN de Oro City – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang magsasaka makaraang pagtulungan siyang pagtatagain ng kanyang sariling pamilya, kabilang ang sariling ama, kapatid, biyenan at pamangkin na menor de edad, iniulat nitong Biyernes ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ni Major Valentines Baja, Lumbia Police Station commander, ang biktimang si Roland Soyawan, 43, habang ang mga suspek ay sina Rene Soyawan, 38, kapatid, asawa ni Rene na si Masia Soyawan, 35, ang ama nilang si Pedro Soyawan, 83, at menor de edad na pamangking lalaki, at pawang mga residente ng KM 16, Brgy. Besigan nitong lungsod.
Ayon kay Major Baja, hinarang ng biktima ang kanyang kapatid na si Rene habang nakasakay sa kabayo at biglang tinaga.
Mabilis namang nakailag si Rene at ginantihan ng taga si Roland na tinamaan sa katawan.
Nasaksihan ito ng asawa ni Rene, ama at pamangkin, kaya pinagtulungan nilang pinagtataga ang biktima na naging sanhi pagkamatay ni Roland.
Lumabas sa imbestigasyon, matagal na umanong may alitang namamagitan sa pamilya dahil sa pinag-aagawang lupa na kanilang sinasaka.
Agad namang nadakip ang mga suspek na sinampahan ng kaukulang kaso. (ANNIE PINEDA)
132