MAGSASAKA GINILITAN SA MABAHONG ABONO

QUEZON – Walang awang ginilitan sa leeg ang isang magsasaka ng kanyang kapitbahay dahil lamang sa mabahong amoy ng abono na ginagamit nito sa kanyang gulayan sa bayan ng Infanta sa lalawigan.

Kinilala ng Infanta Police ang biktimang si Rigor Otilla, 34-anyos, residente ng Brgy. Binulasan.

Ayon sa report ng Infanta Police, dakong alas-7:30 ng umaga nang makasagutan nito ang 46-anyos na kapitbahay na si alyas “Ricky”.

Nabatid na nagrereklamo ang suspek dahil hindi raw nito gusto ang masangsang na amoy ng fertilizer na ginagamit ng biktima sa kanyang mga tanim na kamote.

Nauwi sa awayan ang pagsasagutan ng dalawa hanggang sa bumunot ng itak ang suspek at ginilitan sa leeg at kamay ang biktima.

Isinugod ang biktima sa Claro M. Recto Hospital sa Infanta subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong homicide. (NILOU DEL CARMEN)

62

Related posts

Leave a Comment