MANGINGISDA PINATAY SA NAWAWALANG CELLPHONE

CAVITE – Patay ang isang mangingisda na nilasing muna bago kinompronta ng kanyang mga kabaro hinggil sa nawawalang cellphone saka pinagtulungang saksakin sa bayan ng Naic sa lalawigang ito.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jonathan Into Perez, nasa hustong gulang, habang arestado naman ang mga suspek na sina Mandu Bulawi, 34; Francis Copas, 40, at Cardo Ginova, 40, pawang tubong Mountain Province at residente sa isang barracks sa Aplaya Bliss, Brgy. Labac, Naic.

Sa report ni P/SSgt. Rodrigo Veloso III ng Naic Municipal Police Station, dakong alas-12:10 noong Biyernes ng hapon nang mangyari ang insidente sa baybayin ng Alpaya Bliss, Brgy. Labac.

Sa kabila ng liqour ban, nag-inuman ang mga mangingisda kasama ang biktima.

Sa gitna ng inuman, naungkat ang umano’y pagkalawa ng cellphone ng isa sa mga suspek, isang buwan na ang nakalilipas, at ang itinuturong kumuha nito ay ang biktima.

Nagkaroon ng pagtatalo ang mga mangingisda nang itanggi ng biktima ang akusasyon hanggang sa pagtulungang saksakin ng mga suspek si Perez na nagresulta sa pagkamatay nito. (SIGFRED ADSUARA)

80

Related posts

Leave a Comment