May 22 kaso ng pagpatay, 41 panggagahasa DAVAO CITY PNP CHIEF, 19 COMMANDERS SINIBAK

SA pagsisikap na malinis at maitaas ang imahe ng mga pulis, sinibak ng PNP Police Regional Office, Davao Region PRO-11 ang hepe ng Davao City Police Office at 19 police station commanders.

Nabatid na ipinag-utos ang sibakan kasunod ng lumabas na ulat na may 22 kaso ng pagpatay at 41 kaso ng panggagahasa ang naitala mula lamang noong Enero hanggang Mayo.

Minsan nang naging kontrobersyal ang Davao City nang mag-viral ang isang Facebook post nang mapasama ito sa mga lungsod na may pinakamataas na crime index sa mga bansa sa Southeastern Asia, kung saan nangunguna naman ang Maynila.

Ipinag-utos ni PRO-11 Regional Director P/BGen. Nicolas Torre III ang balasahan bunsod ng nasabing crime stats nitong nakalipas na limang buwan ng 2024, at sinasabing mayroong discrepancy sa kanilang crime statistics.

Itinalaga ni BGen. Torre si Colonel Lito Patay bilang bagong Davao City police director, kapalit ni acting city police chief Rolindo Soguilon.

Ayon kay PRO-11 spokesperson, P/Maj. Catherine Dela Rey, ang reassignment ng police officers ay bahagi ng nagpapatuloy na hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang integridad at pagiging epektibo ng pulisya.

“Nineteen commanders or officers in charge of the 19 police stations of the Davao City Police office have been relieved effective July 8,” pahayag ni Dela Rey sa media.

Pansamantalang itinalaga sa nabakanteng mga pwesto ang mga tauhan na hinugot mula sa police provincial offices at regional headquarters ng PRO 11.

Samantala, wala pang reaksyon ang mga siyudad na napasama sa ginawang pag-aaral ng Numbeo na umano’y “world’s largest database of user contributed data about cities and countries worldwide”.

Ang Numbeo ay naglalabas ng current and timely information hinggil sa world living conditions kabilang ang cost of living, housing indicators, health care, traffic, crime and pollution.

Sa isang post mula sa kanilang website, ipinakita na nangunguna ang Maynila sa mga lungsod na may mataas na crime index sa Asya, na may 64.7, habang pang-lima ang Cebu, pang-siyam ang Iloilo, pang labing-isa ang Makati at pang-labing-apat ang Davao City. (JESSE KABEL RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment