HIMALANG nakaligtas at nasagip nang buhay ang isang mangingisda na mahigit ng isang buwang nawawala sa karagatan ng Pacific Ocean.
Noong Huwebes, nasagip ng isang cargo vessel ang 50-taong gulang na si Robin Dejillo habang sakay ng kanyang maliit na bangka sa karagatang sakop ng Batanes matapos magpalutang-lutang sa dagat ng 46 na araw.
Dehaydrated at halos hindi na ito makapagsalita nang matagpuan.
Nagawa nitong makatagal sa karagatan sa pamamagitan ng tubig-ulan na siya nitong iniinom at sa mga isdang nahuhuli nito at bunga ng niyog na nakuha niya sa dagat.
Sa incident report ng Coast Guard District Southern Tagalog noong Agosto 12, sinasabing si Dejillo ay kasama sa crew ng fishing boat na FBca Leah June na umalis sa Purok Rosas, Brgy. Dinahican, Infanta, Quezon noong Hulyo 16, para mangisda sa Pacific Ocean.
Pero noong Agosto 4 ng umaga, habang nasa laot, sumakay ito ng maliit na support boat na FBca Leah June upang maghanap ng panibagong fishing ground subalit hindi na ito nakabalik sa mother boat kung saan inaasahang makababalik ito ng tanghali ng araw ding yun.
Hanggang sa umuwi na sa Infanta ang fishing boat noong Agosto 10 at idineklara na itong missing mula noon.
Nagsagawa pa ang mga tauhan ng PCG ng search and rescue operation sa mga karagatan ng Quezon at Aurora kung saaan huling nakita ang mangingisda subalit bigo itong matagpuan.
Noong Huwebes, nadaanan sa laot ng cargo boat na bumibiyahe sa Batanes ang bangka nito at sinagip ito ng mga crew. Hinatak na rin patabi ang buo pa ring bangka nito.
Dinala na sa Batanes General Hospital ang mangingisda at nilalapatan ng medikasyon dahil sa mga dumapong karamdaman dahil sa tagal nang pagkawala sa karagatan. (NILOU DEL CARMEN)
151