Nadakma sa sabungan sa Batangas RET. GENERAL PINAPUSLIT SA RAID NG NBI?

ITINANGGI ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinapuslit ng kung sinumang kanilang agent ang sinasabing retired police general na kasamang nadakma sa ilegal na sabungan sa compound ng GC Berberabe Subdivision sa Pallocan East, Batangas City.

Ayon kay Atty. Topher Hernandez ng NBI Batangas, nawala ang retired general matapos na magkagulo at magtakbuhan ang mga nagsasabong nang dumating ang mga awtoridad.

Hindi rin nila matiyak kung ang pangalang nakasulat sa entry na Edgardo Tinio ay si dating Quezon City police director, Chief Superintendent Edgardo Tinio na retirado na sa PNP.

Bagama’t ayon kay Hernandez, batay sa tip na kanilang nakuha, kabilang ang isang dating retired police general, mga pulitiko, mga aktibong pulis at mga prominenteng negosyante ang palagiang parukyano ng ilegal na sabungan.

Wala rin aniyang aktibong pulis o kilalang pulitiko sa 49 na naaresto sa raid noong Sabado.

Kung meron man aniya, posibleng kabilang ang mga ito sa nakatakbo.

Mahigit umanong 100 ang nasa lugar nang isagawa ang raid ngunit dahil nasa 40 lang ang kabilang sa raiding team, hindi na nahabol ang mga nakatakbo sa magubat na likod ng compound.

Samantala, pansamantalang nakalaya na ang 47 sa mga naaresto at sinampahan ng kasong illegal gambling at paglabag sa RA 11332 matapos maglagak ng piyansa noong Lunes at Martes.

Nanatiling ‘at large’ si Tinio at isang Bienvenido Uri.

Kabilang din sa sinampahan ng kaso ang may-ari ng compound at bahay na si Fernando Baylosis na siya ring tumatayong maintainer ng sabungan.

Kinumpirma rin ni Hernandez na 2-cock ‘kumbidahan” derby ang kanilang natimbog at nakakumpiska ng 23 manok na sasabungin na kasali sa 35 fights entry.

Ayon sa NBI, nagsimula umano ang naturang ilegal na sabungan mula pa noong pansamantalang ipagbawal ang pagsasabong sa mga cockpit arena dahil sa banta ng COVID-19. (NILOU DEL CARMEN)

177

Related posts

Leave a Comment