Nag-thumbs up sa group chat KADETE NG MARITIME SCHOOL PINARUSAHAN, PATAY

LAGUNA – Patay ang kadete ng isang maritime academy makaraang “parusahan” ng kanilang senior class officer dahil sa umano’y pag-thumbs up nito sa cadet messenger group chat.

Kinilala ang biktimang na si CDT. Vince Andrew Delos Reyes, 19-anyos, ng Barangay Tagumpay, Baco, Oriental, Mindoro, student cadet sa maritime academy sa Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna.

Ayon sa report ng Calamba City Police, nangyari ang insidente dakong alas-5:00 ng madaling araw noong Hulyo 8, Lunes, ngunit nai-report lamang sa pulisya noong madaling araw ng Martes.

Base sa imbestigasyon, matapos kumain ng hapunan, kasama ng biktima ang apat pang kaklaseng kadete na nagpapahinga na sa kanilang cabin o barracks nang ipatawag ito ng suspek sa kanyang cabin dahil umano sa nagawa nitong “offense”.

Ito ay makaraang aksidente umanong nakapag-react ng thumbs-up ang biktima sa conversation sa messaging group chat ng mga kadete.

Bilang parusa, pinagsagawa ito ng physical exercises ng suspek, subalit sa katagalan, nakaramdam ito ng pangangapos ng hininga hanggang sa tuluyang mag-collapse.

Agad itong dinala sa infirmary at binigyan ng CPR subalit patuloy na sumama ang kalagayan at humina ang paghinga at pulso kaya isinugod na sa ospital.

Subalit idineklarang dead on arrival ng doktor sa Global Care Medical Center Canlubang.

Inaresto naman ang suspek na ngayon ay nakadetine sa Calamba City Police Station locked-up cell at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. (NILOU DEL CARMEN)

43

Related posts

Leave a Comment