Nagpaputok nang sitahin 2 VANDALS NA NPA NAPATAY NG PNP-PRO5 *1 pang CTG nabitag

NAPATAY ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang dalawang hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) nang paputukan ng mga rebelde ang mga awtoridad makaraang sitahin sa pagsusulat ng “DUTERTE IBAGS” sa pader sa Brgy. Lower Binogsacan, Guinobatan, Albay noong Lunes.

Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, bahagi ng pagsisikap ng PNP na matiyak ang kaligtasan na mga Bicolano sa pagsasagawa ng police and mobile visibility sa buong sulok ng rehiyon.

Dahil naka-full alert ang buong PNP kaugnay sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, puspusan ang security patrol ng pinagsanib na pwersa ng 1st Albay PMFC; Guinobatan MPS; CIDG Albay PFU; RMFB5; RIU5; Albay PIU; 93rd SAC SAF; RSOU5, at maging ang mga kawani ng 97TH MICO PA; 49TH 1B, 9th ID, Philippine Army, at 2nd Albay PMFC sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat, nangyari ang sagupaan dakong alas-1:00 ng madaling araw noong Hulyo 26, 2021 sa pagitan ng dalawang hindi kilalang lalaki at mga pulis sa Brgy. Lower Binogsacan, sa bayan ng Guinobatan.

Sa isinumiteng ulat ng Albay Police Provincial Office, sa pamumuno ni P/Col. Arnold C. Santiago, Provincial Director, kay P/BGen. Estomo, habang nagpapatrolya at nagsasagawa ng Oplan Sita ay namataan ng mga operatiba ang mga lalaking nagbabandalismo at nagpipinta ng mga katagang “DUTERTE IBAGS” gamit ang pulang spray paint sa kongkretong barandillo malapit sa Banao Bridge ng naturang bayan.

Nagulantang ang mga ito nang maaninag ang paparating na pwersa ng gobyerno at nagpaputok sa direksyon ng mga awtoridad. Bunsod nito, tinamaan ng dalawang beses ang sasakyang pangpatrolya ng PNP.

Dahil sa posibleng panganib, napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45, isang kalibre .38 revolver, isang motorsiklong walang plaka, at iba’t ibang mga bala.

“Katulad ng aking mga naunang sinabi, ang PNP Bicol ay 24-oras na nakamatyag at nakabantay sa ating pamayanan. Ano mang oras at panahon, nakahanda ang kapulisan na umagapay at magbigay serbisyo upang mapigilan ang paglaganap ng kriminalidad sa ating pamayanan,” ayon kay P/BGen. Estomo.

Samantala, arestado sa ikinasang law enforcement operation ng PNP-Police Regional Office 5 ang isang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bisa ng warrant of arrest noong Lunes ng umaga sa Sitio Patag, Brgy. Buenavista, San Fernando, Masbate.

Nadakip ang suspek na kinilalang si si Pio Cardeño y Canale, alyas “Hapon,” 38, residente ng nabanggit na lugar, sa kasong multiple attempted murder, sa inihaing warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 50, Fifth Judicial Region, San Jacinto, Masbate noong Pebrero 23, 2021.

Inirekomenda ng korte ang pyansang P120,000 para sa pansamantalang paglaya ni Cardeño.

Si Cardeño ay miyembro umano ng Sangay ng Partido Lokalidad (SPL) sa ilalim ng Militia ng Bayan, Larangan 1, Komite ng Partido, Bicol Regional Party Committee.

Sinasabing kabilang si Cardeño sa 19 na itinuturong mga suspek sa pananambang at pagpapasabog gamit ang improvised explosive device (IED), sa mga kawani ng Bravo Company, 2nd IB, 9th ID, Philippine Army noong Hunyo 2, 2019 sa Sitio Kawayan, Brgy. Cañelas, San Fernando, Masbate habang nagsasagawa ng foot patrol at barangay visitation.

Nagresulta ang nasabing pag-atake ng mga rebelde sa matinding pagkasugat ng dalawang sundalo.

Kaugnay nito, pinuri ni P/BGen. Estomo, Regional Director ng PNP-PRO5, ang pagpupursige ng PNP Bicol upang arestuhin at dalhin sa hukuman ang mga may nagawang pagkakasala sa batas katulad ng nasabing suspek.

“Kasabay ng ating pagnanais na gawing mas ligtas ang ating pamayanan ay ang mas pinaigting na programa at aktibidad ng PNP Bicol katuwang ang Philippine Army upang tuluyan nang lipunin ang mga masasamang loob at pigilan ang iba pang mga opensibang paglulunsad nito na maaaring magdulot ng matinding panganib sa pangkalahatang kaligtasan ng ating mamamayan. Kami ay hindi papatinag, kasama ang komunidad at stakeholders, itutuloy natin ang ating mga nasimulan para sa isang mas mapayapa at maunlad na komunidad,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

58

Related posts

Leave a Comment