Nagtanong kung saan bababa DRIVER BINUGBOG NG 2 PASAHERO

CAVITE – Sugatan ang driver ng isang baby bus makaraang pagtulungang bugbugin ng kanyang pasahero at menor de edad na kasama nito, nang tanungin kung saan sila bababa, sa bayan ng Tanza sa lalawigan nitong Linggo ng madaling araw.

Hawak na ng Tanza Police ang suspek na si alyas “Vincent” at kasama nito, dahil sa reklamo ni alyas “Greg”, driver ng baby bus.

Ayon sa reklamo ng biktima, tinanong nito kung saan bababa ang mga suspek dahil sila na lamang ang kanyang pasahero pagsapit sa Brgy. Calibuyo, Tanza, Cavite, bandang alas-12:20 ng madaling araw.

Ngunit hindi nagustuhan ng mga suspek ang tanong ng biktima dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa pagtulungan siyang bugbugin ng mga ito.

Hindi pa nasiyahan ang isa sa mga suspek, kumuha ito ng hollow block at ibinato sa biktima.

Natigil naman ito nang napuna ng rumurondang barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

96

Related posts

Leave a Comment