RIZAL – Nagpatiwakal umano sa selda sa pamamagitan ng pag-untog ng kanyang ulo ang isang lalaking naghataw ng kanyang 7-anyos na anak sa pader na ikinamatay ng bata noong Huwebes sa bayan ng Montalban sa lalawigang ito.
Ayon kay P/Lt. Col. Marcelino Pipo Jr., hepe ng pulisya, humingi ng saklolo ang ilang preso nang matuklasan nila na inuuntog ng suspek na si Eraño Veraces y Salioman, 26, ang ulo nito sa pader sa bahagi ng banyo sa Municipal detention cell nitong Abril 29, pasado ala-una ng madaling araw.
Agad na isinugod sa Ynares Hospital si Veraces ngunit nalagutan ng hininga dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Hinala ng pulisya, hindi nakayanan ng amang suspek ang surot ng kanyang konsensya makaraang mapatay ang kanyang anak dahil hindi lamang umano pinaisa ng kanyang buntis na misis.
Magugunitang Abril 24, dakong alas-9:00 ng umaga, habang hubo’t hubad umano ang suspek ay walang awa nitong inihataw sa pader ang kanyang anak na si Erron na ikinamatay ng bata sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Masusing iniimbestigahan ng Montalban PNP ang insidente sa loob ng piitan upang matiyak na walang nangyaring foul play sa pagkamatay ng suspek. (ENOCK ECHAGUE)
137